Bumababa na ang water level ng Angat Dam at pito pang reservoir sa Luzon dahil na rin sa epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 209.10 meters na lamang ang lebel ng tubig ng Angat Dam, bumaba ng 0.21 meters mula sa naitalang 209.31 meters nitong Sabado.

Mataas pa rin ito sa minimum operating level na 180 meters. Gayunman, mas mababa na sa 212 meters normal high water level.

National

Umano'y 'white substance' na inabot kay PBBM, isang lapel pin daw sey ng PCO

Nasa 77.70 meters ang lebel naman ng tubig ng La Mesa Dam, mas mababa sa 80.15 meters normal high water level nito.

Nakitaan din ng pagbaba ng lebel ng tubig ang San Roque Dam, Pantabangan Dam, Caliraya Dam, Ambuklao at Binga Dam.

Idinagdag pa ng PAGASA, inaasahang bababa pa ang water level sa mga naturang dam dahil sa kawalan ng ulan dulot na rin ng inaasahang pagtindi ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.

Nauna nang ipinahayag ng PAGASA na aabot sa 65 lalawigan sa bansa ang posibleng makaranas ng tagtuyot pagsapit ng Mayo ngayong taon.