Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa ipinaabot daw nitong tulong para sa mga naapektuhan ng baha at landslide sa rehiyon ng Davao.

“Maraming salamat Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng tulong na ipinaabot mo sa mga apektadong lugar sa buong Davao Region,” saad ng bise presidente sa isang Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 8.

Nagbahagi rin si Duterte sa post ng ilang mga larawan ng kaniyang naging pagdalo sa isang situation briefing sa Davao City na pinangunahan ni Marcos.

Ang naturang briefing ay hinggil sa nangyaring baha at landslide sa Davao Region, kung saan nagbigay ng mga ulat ang iba’t ibang local government executives sa iba’t ibang mga probinsya na sakop ng Davao Region na naapektuhan ng kalamidad.

Tinatayang 66 mula sa 183 senatorial aspirants ang maisasama sa balota- Comelec

“Nagbigay din ng report ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development and Office of the Civil Defense sa mga tulong na inihatid ng National Government sa mga apektadong lugar at mamamayan,” paglalahad din ng bise presidente.

“Lagi po nating pinaalala ang kahalagahan ng paghahanda sa mga ganitong sakuna para alam natin at ng ating mga kababayan ang dapat gawin at kailangang aksyon upang maiwasan ang trahedya. Ang pangagalaga sa buhay at pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan ang dapat manatiling prayoridad,” dagdag pa niya.

Noong Martes ng gabi Pebrero 6, nagkaroon ng massive landslide sa isang mining village sa Maco, Davao de Oro, kung saan pito na umano ang nasawi habang 48 iba pa ang nawawala.