Inihayag ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na posibleng sa katapusan ng Abril o kalagitnaan pa ng Mayo, 2024 ay maipatupad na ang panukalang fare hike ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Sa launching ng love train ng MRT-3 nitong Huwebes, sinabi ni DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, na siya ring tumatayong officer-in-charge (OIC) ng MRT-3, pinag-aaralan pa ng DOTr ang naturang petisyon.

Magkakaroon din aniya ng public hearing at kung sakaling maaprubahan ito ay maglalathala silang muli ng aprubadong pasahe.

Ayon kay Aquino, “After noon, magkakaroon ng public hearing. After mga one month kailangan naming mag-publish ulit nung approved fares, kung maaaprubahan ito, for three weeks. So ang expectation namin is baka mga end of April ito, middle of May.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Alinsunod sa petisyon ng MRT-3 management, nais nilang magpatupad ng karagdagang P2.29 para sa kanilang boarding fee at P0.21 na increase kada kilometro.

Sakaling maaprubahan ito, ang minimum fare sa MRT-3 ay tataas sa P16 mula sa kasalukuyang P13 lamang habang ang pasahe naman sa end-to-end trip o mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue station sa Pasay City, ay magiging P34 na mula sa kasalukuyang P28.

Ayon kay Aquino, gagamitin ng MRT-3 ang taas-pasahe upang matiyak ang maayos na operasyon at maintenance ng mga tren para na rin matiyak ang kumbinyente at ligtas na biyahe ng kanilang mga parokyano.