Pinarangalan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa pangunguna ni Postmaster General (PMG) Luis Carlos, ang mga miyembro ng Criminal Inspection and Detection Group (CIDG) Anti-Fraud Unit, na pinamumunuan ni Police Colonel Bernard L. Lao, dahil sa kanilang tulong upang masakote ang mga illegal na nagbebenta ng mga “Post Office Boxes” online.

Nabatid na kasama rin sa mga binigyan ng pagkilala ng PHLPost sina PCAPT Victoria A. Mendoza,  PEMS Joseph Arnie Y. Delos Santos, PSMS Rommel S. Habig, PSSGT Joel T. Diones, PAT Debbie Jane G. Carino, Nina L. Mendoza, Ivy Jean S. Fernandez, Kenneth M. Cinense, Richard L. Nicolas at Kenneth Ian V. Andaya.

Batay sa report ni PHLPost Inspectorate Department Manager Amadeo Tura, napag-alaman na ipinagbigay-alam sa kanya ni Acting Intelligence Officer Roberto Palomo na may nakakita na ipinost sa online at  ibinebenta  ang mga Post Office brass metal cover na may label na “1921 historical Manila Central Post Office brass safety mailbox."

Nabatid din ng PHLPost na may nawawala na mga brass cover sa Caloocan City Central Post Office.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matapos ma-validate ang mga nawawalang Post Office Boxes, agad na ikinasa ng CIDG anti-fraud at operatiba mula sa PHLPost Inspectorate Department ang buy bust operation sa isang tindahan sa Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na sinasabing nagnakaw umano ng “Post Office Box” na pagmamay-ari ng Caloocan City Central Post Office at ipinagbibili ang mga ito online.

Sa isinagawang imbentaryo, nabatid na 73 Post Office box cover na gawa sa bronze o tanso ang ninakaw sa Post Office ng Caloocan City.

Ayon kay PMG Carlos, ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1612 o Anti-Fencing Law, na isang seryosong krimen na may katapat na parusang multa at pagkakakulong.

Paniniyak pa ni PMG Carlos, “Hindi natin tino-tolerate ang mga ganitong gawain at patuloy natin itong susugpuin.’’

Siniguro rin niya mas palalakasin pa ng PHLPost ang Inspectorate Department sa pamamagitan ng paglalagay ng mga matitinong pulis sa hanay ng Inspectorate Service Department.

Dagdag ni Carlos, “patuloy din na nakikipag-ugnayan ang PHLPost sa United States Postal Service (USPS) upang bigyan ng mga training ang mga kawani sa Inspectorate Service Department."