Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang taga-Rizal ang pinalad na magwagi ng mahigit ₱56.6 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 na binola nitong Martes ng gabi, Enero, 30, 2024.
Ayon sa PCSO, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na 38-20-19-04-16-40, na may katumbas na kabuuang premyo na ₱56,638,411,00.
Nabatid na nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Pililla, Rizal.
Upang makubra naman ang kanyang napanalunan, pinayuhan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mapalad na mananaya na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kailangan din aniya nitong iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identifications cards.
Nagpaalala naman si Robles na ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, buhat sa araw nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Samantala, wala namang nanalo sa iba pang lotto draws na binola rin nitong Martes ng gabi.
Kabilang dito ang UltraLotto 6/58 na may six-digit winning combination na 36-51-01-56-04-42 at may jackpot prize na ₱82,751,259.00 at SuperLotto 6/49 na may six-digit combination na 09-26-10-47-35-25 at katumbas na jackpot prize na ₱27,176,287.80.
Wala ring tumama sa 6D Lotto na ang kombinasyon ng mga numero ay 1-5-9-6-3-1, at umaabot na sa ₱5,877,898.00 ang premyo.
Kaugnay nito, muli ring hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.
Ang Lotto 6/42 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.