“Tigilan n’yo na mga budol-budol n'yo.”
Ito ang mensahe ni House Speaker Martin Romualdez sa pamilya Duterte matapos niyang palagan ang mga akusasyong ibinabato nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa naganap na pagpupulong kasama ang House party leaders nitong Linggo ng gabi, Enero 28, binigyang-diin ni Romualdez na wala umanong basehan ang mga akusasyong binitawan nina dating Pangulong Duterte at Mayor Duterte laban sa pangulo.
Matatandaang hinamon ni Mayor Duterte si Marcos nitong Linggo na magbitiw na sa puwesto bilang pangulo kung wala raw itong pag-ibig para sa bansa.
MAKI-BALITA: Mayor Duterte kay PBBM: ‘You are lazy and you lack compassion’
“Unless we have proof na 'yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan diyan sa ating mahal na [Pangulong Marcos] na bumaba sa pwesto. Sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas 'yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo. Walang katotohanan ‘yan,” giit naman ni Romualdez.
Samantala, sinagot din ng House leader ang pahayag ni dating Pangulong Duterte na “drug addict” umano si Marcos.
MAKI-BALITA: PBBM ‘bangag’, ‘drug addict’, sey ni ex-Pres. Duterte
“Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si [Pangulong Marcos] ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilan mo na 'yung budol-budol galing sa Davao,” ani Romualdez.
Nito lamang Lunes, Enero 29, itinanggi rin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasama ang pangulo sa kanilang drug watchlist.
MAKI-BALITA: PDEA, kinontra si ex-Pres. Duterte; itinangging nasa drug watchlist si PBBM