Idinaan sa Facebook: Isinusulong na People's Initiative, binira ni Sen. Ejercito
Hindi na natiis ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor "JV" Ejercito ang kanyang saloobin sa isinusulong na People's Initiative (PI) para sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
"Ang daming problema ng bayan: Mahinang imprastraktura, mahal at 'di sapat na kuryente, mataas na presyo ng bilihin at seguridad sa pagkain, at iba pa! Ito na naman itong P.I. na sagabal sa pag-ayos at pagharap sa mga hamong ito," bahagi ng Facebook post ng senador nitong Biyernes ng gabi.
"Sana pagtuunan ng pansin ang mga problema! Kung talagang mahal niyo ang bayan, unahin sana na ayusin ang mga ito," banggit pa ng senador.
Isa lamang si Ejercito sa mga pumirma sa isang manifesto ng Senado na nagsasaad ng kanilang matinding pagtutol sa people's initiative para mabago ang ilang probisyon ng Konstitusyon.
Binanggit sa manifesto na posibleng gamitin ang people's initiative upang tuluyang buwagin ang Senado.
"This so-called ‘people’s’ initiative (PI) proposes only one change: in acting as a constituent assembly, the Senate and the House shall vote jointly. While it seems simple, the goal is apparent to make it easier to revise the Constitution by eliminating the Senate from the equation. It is an obvious prelude to further amendments, revisions, or even an overhaul of our entire Constitution,” ayon pa sa manifesto.
Kamakailan, inihayag din ni Ejercito na nababahala ang ilang senador na magpapatuloy ang people's initiative sa kabila ng kasunduan sa usapin.
“There was already an agreement. So sana ‘yung people's initiatives or the process has to be stopped because may napagkasunduan na eh. We are just averting a constitutional crisis. We don’t want both Houses to be in conflict because wala kami parehang maipapasa,” pagbibigay-diin pa ng senador.