Tinawag ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang “lider na nakikinig” matapos nitong aprubahan ang pagpapalawig ng consolidation deadline kaugnay ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Matatandaang nitong Miyerkules, Enero 24, nang ianunsyo ng pamahalaan na pinagbigyan ni Marcos ang rekomendasyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na magbigay pa ng tatlong buwan na hanggang Abril 30, 2024 para sa franchise consolidation ng PUVs.

MAKI-BALITA: PUV franchise consolidation deadline, extended hanggang Abril 30, 2024 — Malacañang

“Nadinig kaagad ‘yung ating hinaing po. President Ferdinand Marcos has just approved the recommendation of the Transportation Secretary [Bautista] granting an additional three months until April 30, 2024, to consolidate public utility vehicles," ani Romualdez sa isang pahayag nitong Miyerkules ng gabi.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Kaya po may oras naman tayo, may panahon tayo na mag-consolidate at maghanap tayo ng solusyon. Kaya ‘yun talaga ang sinasabi ng ating mahal Pangulo, na very sensitive, attentive at nakikinig," dagdag niya.

Nakipag-usap si Romualdez sa ilang 100 jeepney drivers sa House of Representatives nitong Miyerkules ng hapon upang pakinggan ang kanilang mga pakiusap hinggil sa PUVMP.

Nang mga sandaling iyon, inaprubahan ng Committee on Transportation ,na pinamumunuan ng Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop, ang isang mosyong humihikayat sa pangulo na muling isaalang-alang ang lumipas na deadline para sa ng mga tsuper.

Bukod dito, nangako rin si Romualdez na personal na pakikiusapan si Marcos at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pagdating ng Huwebes ng umaga, Enero 25.

Ngunit nito lamang ding Miyerkules ay nag-anunsyo na ang Malacañang ng tatlong buwang pagpapalawig sa deadline ng konsolidasyon.

Kaugnay nito, naghayag ng pasasalamat ang house speaker dahil sa agaran umano nitong pag-aksiyon sa nasabing usapin.

"Hindi kailangan tayong maghintay hanggang bukas, eh na-announce na, so siya mismo ang nagsabi ng magandang balita. Kaya nagpapasalamat tayo sa kaniya at agad-agad ay umaksiyon talaga siya,” ani Romualdez.

Dati nang itinakda ng gobyerno ang deadline ng franchise consolidation noong Disyembre 31, 2023.

Bago ang nasabing pagpapalawig ng deadline hanggang Abril, binigyan ng pamahalaan ang mga tsuper at operator ng jeep ng isang buwang palugit para makabiyahe.

Samantala, taong 2017 pa nang simulan ng DOTr ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari daw umabot sa mahigit ₱2 milyon.