Viral ang Facebook post ng isang estudyanteng netizen matapos niyang ipagmalaki ang kaniyang kaklase sa degree program na Electrical Engineering sa University of the East Caloocan, dahil napagsasabay nito ang pag-aaral at pagbabanat ng buto bilang isang rider ng isang sikat na motorcycle taxi and delivery service company.

Kuwento ni Nick Derrick Lacson sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Enero 24, pumasok sa isa sa major subject nila si "John Vastile Ambrosio" o JV na nakasuot pa ng kaniyang uniporme dahil sa pagmamadaling hindi mahuli.

Ayon sa post ni Nick, hindi niya maiwasang hindi humanga at ma-inspire kay JV dahil kahit mahirap ang kanilang mga pinag-aaralang kurso o subjects sa kanilang degree program, nagagawa pa rin niya itong ipagsabay sa pagtatrabaho.

"Hello po everyone, gusto ko lang po ishare itong kaklase namin sa major subject namen sa Electrical Engineering. Nalate na kasi siya ng pasok kaya siguro hindi na nakapag palit ng uniform kasi bumyahe siya sa Angkas habang vacant namin. Ginagamit niya raw yung kinikita niya roon pang bayad sa mga school fees at pambaon niya," ani Nick sa kaniyang post.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

"Nakaka-inspire lang na makita ang isang estudyante na gaya ni JV. Sinisingit niya yung pamamasada sa pagitan ng vacant at pagtapos ng klase sa araw."

"P.S. Pinalitan namen yung caption kasi hindi namen inexpect na aabot sa kung saan yung post. Shinare ko po itong kwento ni JV hindi po para manghingi ng donation, kundi para ipakita ang dedication niya sa pag-aaral bilang working-student."

"Kung meron man po na willing magbigay tulong ay mapapahalagahan at mapupunta ito sa mabuting bagay. Umabot sa punto na halo halo na yung tumatawag sa kanya kaya nalilito na siya. Pero totoo lalahat ng sinabi/nasabi about sa kanya. Nais ko po lamang ilahad ang dedication at kwento ng kaklase ko," paliwanag niya.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Nick, sinabi niyang sadyang kahanga-hanga talaga si JV dahil isa pa to sa top students sa kanilang klase kahit abala ito sa pagiging rider. Dean's lister din ito noon sa dating pinapasukang paaralan (Mapua University).

Mabuhay ka, JV!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!