Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Enero 25.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque, Aklan, Capiz, at Northern Samar dulot ng shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Malaki naman ang tsansang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.
Pinag-iingat ang mga residente rito dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, posible rin daw na magdala ang amihan ng maulap na kalangitan na may katamtamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, at ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa nasabing mga lugar.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa ngayon ay wala raw minomonitor ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: