Naglabas ng opisyal na pahayag si Vice President Sara Duterte nitong Martes, Enero 23, matapos niya umanong malaman na kasama siya sa mga akusado sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa umano’y “Davao Death Squad.”

Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Duterte na sa mga taon daw na nagsilbi siya bilang vice mayor at mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi raw napag-usapan o naiugnay ang kaniyang pangalan sa umano’y Davao Death Squad.

“Subalit, matapos akong manalo bilang Vice President, bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin at ngayon ay kasama na ako sa mga akusado sa International Criminal Court. Hindi ko kailangan ng death squad para sa mga bagay na kaya kong gawin,” ani Duterte.

“Gayunpaman, haharapin ko ang anumang akusasyon laban sa akin. But I will only face any charge against me before a Filipino judge — and only before a Filipino court,” dagdag pa niya.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Ayon sa bise presidente, hindi siya lalahok sa isang prosesong “hindi lamang magsasadlak sa kahihiyan sa bansa kundi dudurog din sa dignidad ng ating mga huwes, korte, at buong justice system ng Pilipinas.”

“Huwag nating ipahiya ang bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dayuhan na manghimasok at makialam sa Pilipinas. Ang kahiligan na magpailalim sa mga dayuhan ay sampal sa mga bayaning Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay at lumaban para lang sa ating kalayaan.

“Unahin muna natin ang Pilipinas,” saad pa ni Duterte.