Kahit nailibing na, hindi pa rin umano nahahanap ang ulo ng pinugutang security guard sa loob ng isang car dealership center noong Pasko.
Pinag-uusapan ngayon ang TikTok video at Facebook post ni Leira Denisse na nagpakilalang anak ni Alfredo Valderama Tabing, security guard na pinugutan ng ulo sa Ford Service Center sa Balintawak, Quezon City, dahil sa ibinahagi nitong detalye tungkol sa pagpatay sa kaniyang butihing ama noong Disyembre 25.
Sa isang pang TikTok video ni Leira Denisse, ibinahagi niyang nailibing na ang kaniyang ama noong Enero 15 makalipas ang tatlong linggo na nasa punerarya ito.
Gayunman, isang malungkot na balita para sa kanilang pamilya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nahahanap ang ulo ng ama.
"Maraming salamat po sa lahat ng taong nakikiramay at nagdadasal para sa aming pamilya. Nailibing na po ang aming tatay noong January 15, [2024]," saad ni Leira sa kaniyang video.
"Isang malungkot lang na balita dahil hanggang ngayon, hindi pa rin namin nahahanap ang ulo niya. Oo tama po kayo ng nabasa. Ang mga suspek ay walang awang pinugutan ng ulo ang tatay ko at ang masakit pa, itinago nila ito," pagdedetalye niya.
"Hanggang ngayon, hindi ko rin alam kung saan kukuha ng lakas ng loob. Hindi ko rin alam kung paano namin ice-celebrate ang mga magdadaan na Pasko at Bagong Taon ngayong wala na ang tatay ko.
"Bakit kasi ang unfair ng mundo? Bakit kasi mas nabibigyan ng chance 'yong masasamang tao? Alam kong hindi perpekto ang tatay ko pero hindi siya masamang tao."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Leira Denisse nitong Martes, Enero 23, inabot ng tatlong linggo sa punerarya ang kaniyang ama bago ito i-cremate dahil umaasa silang mahuhuli ang mga suspek at maituturo umano ng mga ito kung nasaan ang ulo ng kaniyang ama.
"We still hope na mahuhuli 'yong mga suspects at maituturo nila kung nasaan 'yong nawawala. Kaya po within those weeks nagbigay kaming palugit sa mga sarili namin," pagbabahagi niya sa Balita.
Dagdag pa niya, "Sobrang sakit na mag-isa lang si papa sa punerarya, pero no'ng mga time na 'yon gusto talaga namin siya mailibing nang buo bilang respeto po sana."
Nitong Lunes, Enero 24, kinilala na ng pulisya ang ‘di umano’y dalawang suspek sa pagpatay kay Tabing. Ito’y sina Michael Caballero, driver sa car dealership; at Joemar Ragos Organes, staff at taga timpla ng kape sa mga customer, na pawang mga katrabaho ng biktima.
Habang isinusulat ito, patuloy pa ring pinaghahahanap ng pulisya ang mga suspek