Patuloy pa ring naaapektuhan ng northeast monsoon o amihan sa malaking bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Enero 23.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley. Pinag-iingat ang mga residente rito dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, posible rin daw magdala ang amihan ng maulap na kalangitan na katamtamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.

Inaasahan din daw ang medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng CALABARZON dahil din sa amihan.

‘Pinas, posibleng magkaroon ng isang bagyo sa Enero – PAGASA

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa nasabing mga lugar.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa ngayon ay wala raw minomonitor ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: