Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte si Senador Imee Marcos dahil sa naging pagdepensa nito sa kaniyang pamilya matapos ang nangyaring tensiyon sa pagitan ng pinsan ng senador na si House Speaker Martin Romualdez.

Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Enero 21, inihayag ng bise presidente ang kaniyang pasasalamat sa patuloy raw na pagsuporta ni Marcos sa kaniya, sa kaniyang pamilya, at maging sa mga Dabawenyo at sa Davao City.

“Prinsipyo lang ang meron kami, wala [nang] iba. May isang salita para sa kapakanan ng bayan – ito lang ang ipinagmamalaki namin,” ani Duterte.

“Pagpalain ka nawa ng Señor Sto. Niño. Mabuhay ang Pilipinas,” saad pa niya.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Nakalakip din sa nasabing post ng bise presidente ang pahayag ni Marcos sa isang panayam noong Enero 16, kung saan inamin ng senador na masama raw ang loob ni Romualdez sa kaniya mula noong idineklara niya ang kaniyang sarili bilang “pro-Duterte” at nais niyang isalba ang UniTeam.

MAKI-BALITA: Imee Marcos, ‘loyalista’ ni Duterte: ‘Kahit ako ang nag-iisang matira’

“Alam ko may tampo ‘yon sa’kin eh, mula noong October dahil nga sinabi ko na pro-Duterte ako. Kasi gusto ko ngang masalba at huwag masira ang UniTeam,” pahayag ni Marcos kamakailan na nakalakip din sa post ni Duterte.

“Bakit tayo nakikipag-away? Hindi naman [sila] nakikipag-away. Ang tapang-tapang nga ng mga Duterte, pero hindi naman tayo tinatapangan. Talagang mababait sa 'tin. Ano bang problema?” dagdag pa ng senador.

Matatandaang isa sa mga pinagmulan ng tila tensiyon sa pagitan ni Romualdez at mga Duterte ay ang naging desisyon ng Kamara kamakailan na alisin ang confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang mga tanggapan ni VP Sara na Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), para ilipat umano sa mga ahensyang dumidipensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.

MAKI-BALITA: Confidential funds ng 5 gov’t agencies, inalis ng Kamara – Quimbo 

Pagkatapos ng naturang desisyon ng Kamara, pinatutsadahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Romualdez at sinabing magde-demand daw siya ng audit kung paano nito ginastos ang pondo ng publiko kapag tumakbo raw ito bilang pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.

Tinawag rin ng dating pangulo ang Kongreso bilang “most rotten institution” sa bansa.

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Rodrigo Duterte, magde-demand ng audit ‘pag tumakbo bilang Pangulo si Romualdez

Nangako naman si Romualdez noong Nobyembre 6, 2023 na titindig siya at lalabanan ang naninira at nananakot umano sa Kamara.

MAKI-BALITA: ‘Titindig ako!’ Romualdez, nangakong lalabanan umaatake sa Kamara