“My dog died. Please slow down. Funeral…”

Marami ang naantig sa post ng netizen na si Jem Larc Ramos tampok ang isang lalaking napakabagal daw kung magpatakbo ng motorsiklo dahil sa pumanaw nitong aso.

Makikita sa Facebook post ni Ramos ang isang larawan ng motorista, kung saan makikita sa likod ng motor nito ang larawan ng isang aso at isang papel na may nakasulat na: “My dog died. Please slow down. Funeral.”

“Bakit kako hindi dumadaan sa pagitan ng mga sasakyan itong motor na ‘to. Traffic naman kasi kaya pinicturan ko at para mabasa ko nang mas maayos ang mensahe sa papel. Isang furparent pala ang nagdadalamhati. Hanga ako sa pagmamahal mo sir,” aniya sa kaniyang post.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Ramos na papasok siya sa trabaho noong araw na makita niya ang nasabing motorista.

“Nataon lang po na nasa harap ko at ‘di po siya kagaya ng ibang motor na sumisingit sa pagitan ng mga sasakyan. Na-curious lang po ako doon sa papel sa likod. Noong una po, akala ko kung ano lang. Tinted po kasi ‘yung sasakyan namin kaya hindi ko talaga siya mabasa tapos po lukot pa at hindi po maayos ang sulat,” kuwento niya sa Balita.

“Pinicturan ko na po nang zoom noong medyo nahinto kami nang matagal. Ayan na po nakasulat. Palagay ko lang po bata po ‘yung nagsulat kasi hindi pa maayos ang penmanship,” dagdag pa niya.

Agad naman daw na nakaramdam ng kalungkutan at paghanga si Ramos sa nasabing motorista.

“Namatayan din kami ng aso 2 days ago. Hindi ko maintindihan, nalungkot po ako at syempre humanga kay kuya dahil sa matinding pagmamahal niya sa fur baby niya. Meron din po kasi kaming kennel kaya ramdam ko ‘yung pagdadalamhati niya,” saad ni Ramos.

Samantala, habang sinusulat ito’y umabot na sa mahigit 41,000 reactions, 715 comments, at 8,700 shares ang naturang post ni Ramos.

“Ang hirap at ang bigat sa kalooban na dadalhin mo ‘yung anak (fur baby) mo sa himlayan niya . Araw-araw mong dala ‘yung sakit ng pagkawala ,” komento naman ng isang netizen.