Hinangaan ng maraming netizens ang isang estudyante ng Bicol University Polangui Campus dahil sa kaniyang natatanging pagpapakilala ng sarili sa klase.

Sa video na ibinahagi ni Sir JhonnyPet Pedrajeta Topasi sa kaniyang Facebook account kamakailan, makikitang malayo sa kinasanayang self-introductory ang ginawa ng estudyante niyang si Mikyla Christine Lozada, 2nd year nursing student.

Sa halip kasi na sa pasalitang paraan, idinaan ni Mikyla sa pagkanta ang pagpapakilala ng kaniyang sarili.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sir JhonnyPet, hindi raw niya inaasahang magba-viral ang naturang video ni Mikyla, na ayon sa kaniya ay isa raw creative at witty na estudyante. Kaya napakasaya raw niya at lalo pang na-inspire magturo.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

“Nagandahan ako at nasiyahan dahil sa napaka-unique na ipinamalas ng aking estudyante sa pag-introduce ng kanyang sarili,” saad ni Sir Jhonny Pet.

“In fact po may mga nauna din sa kanya na kumanta at nagtula sa pag-introduce ng kanilang sarili tapos habang nagpapakilala sila ang ganda at ang gaan sa pakiramdam,” aniya.

Dagdag pa niya: “So, ayun sabi ko sa isang student ko kuha ng video sa susunod na mag-iintro ng kanilang sarili.”

Ang gusto raw kasing dulog ni Sir JhonnyPet sa klase, hindi masyadong ma-pressure ang mga bata pero siguradong siksik, liglig, at umaapaw ang kanilang mga natututuhan. 

Hindi naman nagkait magbigay ng mensahe si Sir JhonnyPet sa mga estudyanteng gaya ni Mikyla. 

Ayon sa kaniya, huwag daw sana nilang sayangin ang oportunidad na makapag-aral dahil hindi raw lahat ay nabibigyan ng ganoong pagkakataon. 

“Piliing magpatuloy dahil ito ang magdadala sa inyong  tagumpay. And sinasabi ko din lagi na ‘you are the author of your own story’. So hawak ninyo kung anong magiging buhay n’yo sa mga susunod na kabanata,” aniya.

Para naman sa kaniyang mga kapuwa guro, ipagpatuloy lang daw ang magandang ginagawa upang mas humusay pa ang mga estudyante at maging handa sa buhay.

“Lalo pa tayong magbigay ng dahilan sa kanila na ipagpatuloy nila ang kanilang nasimulan,” sabi pa niya.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 105K reactions, 1.5K shares, at 1.7M ang naturang video ni Mikyla.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!