Usap-usapan sa social media ang ibinahagi ng graphic artist at TV personality na si Robert Alejandro kaugnay ng umano'y panloloko sa kaniya ng sariling caregiver habang nakikipaglaban siya sa sakit na colon cancer.

Sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Enero 17, ibinunyag ni Robert na natuklasan niya ang umano'y pagnanakaw sa kaniya ng caregiver na si "Deo Angeles" habang siya ay nakaratay at nagpapagaling sa kaniyang malubhang karamdaman.

"BABALA SA PUBLIKO: Protektahan Po Natin Ang Ating Mga Mahal sa Buhay. PUBLIC WARNING: Protect Our Loved Ones," panimula niya.

“I am blessed to know that the truest treasures are friends and family that show unconditional love. This I learned as I live with terminal colon cancer, and this December, my caregiver (Deo E. Angeles) stole all of my life savings and more," mababasa sa kaniyang post.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isang panayam ng pahayagan kay Alejandro, natuklasan daw niyang nasimot na ang laman ng kaniyang bank account nang makatanggap siya ng notification sa isang sikat na online shopping app tungkol sa kaniyang transaksyon, samantalang wala raw siyang binili rito.

Nang magtungo raw sila sa bangko, doon na napag-alamang natangay na ang savings niyang papalo sa ₱3M. Lahat daw ng bank transactions ay nagmula sa kaniyang cellphone. Ang pera daw ay na-trace na pumapasok sa isang bank account na nakapangalan sa misis ng caregiver.

Kuwento ni Alejandro, hindi raw niya hawak ang telepono sa buong panahong ginagamot siya.

Balak umanong sampahan ng kaso ang nabanggit na caregiver habang nangangalap pa ng mas matitibay na ebidensya upang magamit sa korte.

Sa kaniyang Facebook page, nag-post naman si Robert na sa kabila raw ng kadiliman, nawa'y manaig pa rin ang kaliwanagan sa mga nangyari sa kaniya.

"Sa kabila ng kadilimang gawain ng kasamaan , ipanalangin natin na laging mangibabaw ang ilaw ng katotohanan at kabutihan sa puso ng bawat nilalang at maging ligtas at payapa ang ating mga tahanan," aniya.