Labis ang panghihinayang ng mag-asawa mula sa Naic, Cavite, matapos tumambad sa kanila ang mga punit at butas na tig-iisang libong piso na kanilang inipon at isinilid sa polyvinyl chloride (PVC) na alkansya sa loob ng halos isang taon.

Sa Facebook post ng misis na si Maria Louie Na Lopez, sinabi niyang napagdesisyunan nilang i-post ang kanila raw nagawang “maling pag-iipon” para magsilbing babala at hindi na mangyari pa sa ibang tao.

Kuwento ni Lopez sa kaniyang post, taon-taon talaga silang nag-iipon ng kaniyang asawa at binubuksan nila ang alkansya ng kanilang naipon tuwing Disyembre. 

“Noong December 2023, excited pa kaming buksan. Pero pagbukas namin, ito agad ang bumungad, basa na ang mga tig-iisang libo. Nabigla kami at natulala habang inuunat ‘yung ibang nakatupi at mga punit.....Kaya laking panghihinayang,” pagbabahagi ni Lopez.

₱14K na pinag-ipunan ng working student pang-tuition, kinain ng anay

“Kaya mga mi...dapat kung mag-iipon tayo....wag pong ipagsasama ang barya sa papel, at lalong lalo na ‘wag sa pvc  o sa mga lagayang nag nagpapawis. Dapat talaga sa tamang pag-iipon na. Kaya ngayon natutunan na namin na dapat sa tamang pag-iipon na. Kaya dapat sa bangko na tayo nag-iipon,” dagdag pa niya sa kaniyang post.

Sa panayam naman ng Manila Bulletin, mas idinetalye ni Lopez ang nangyari sa kanilang pag-iipon na nauwi sa panghihinayang.

Aniya, isa siyang housewife at mayroon silang kambal na babaeng anak ng kaniyang asawang construction worker. 

Noong Disyembre 5, 2023 daw nang binuksan nila ang alkansyang ginawa ng kaniyang asawa para anihin na sana ang kanilang mga inipon mula noong Pebrero 2023 at gamitin sa pagpapagamot ng kanilang anak na may sakit sa puso.

“'Di namin akalain na pagbukas namin ay inamag na po siya at parang kinalawang kasi halo po barya noon. At punit-punit, butas-butas na po,” ani Lopez sa Manila Bulletin.

Sa kabuuan ay ₱36,000 daw ang naipon nila sa nasabing alkansya, kung saan ₱2,000 dito ay mga barya habang ₱34,000 ang tig-iisang libo.

Sa naturang mga nasirang ₱1,000 peso bills, dalawang libo raw ang kinailangan na talagang itapon dahil sa sobrang pagkasira. Sinubukan naman daw nilang ipalit sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ₱32,000 na pawang mga may sira at butas din.

Napalitan naman na raw ng BSP ang ₱19,000, ngunit ang natitirang ₱13,000 ay sinusuri pa.

Samantala, sinabi rin ni Lopez na mayroon namang automated teller machine (ATM) card ang kaniyang asawa, pero mas ginusto raw nilang mag-ipon sa alkansya dahil “hassle” daw sa bangko dulot ng mahabang pila.

Ngunit natuto na raw sina Lopez sa nangyari at iiwasan nang maulit muli ang kanilang pag-iipong nagdulot ng labis na panghihinayang sa kanilang pamilya. 

Kaugnay na Balita: