Inaanyayahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) ang publiko na makiisa sa ‘Walk for Life’ na nakatakdang idaos ngayong taon sa bansa.
Ayon sa SLP, ang “Walk for Life 2024” na may temang “Together, We Walk for Life” ngayong taon, ay nakatakdang idaos sa Pebrero 17, 2024, mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-8:00 ng umaga.
Magsisimula umano ang aktibidad sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) Grandstand sa España, sa Sampaloc, Manila, kung saan isang banal na misa ang idaraos, sa pangunguna ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Paanyaya ng SLP, “We would like to invite you to participate actively in upholding, promoting, and defending the sacredness of life and the dignity of every person.”
Nabatid na ang Walk for Life ay unang isinagawa noong 2017 sa pangunguna ng SLP, na implementing arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity (CBCP-ECL).
Layunin ng aktibidad na ipahayag ang mariing paninindigan para sa buhay na hindi lamang nakatuon sa usapin ng extrajudicial killings kundi sa iba pang usapin na malaking banta sa buhay ng tao at maging ng kalikasan.
Ang SLP ang nangangasiwa sa iba't ibang National Catholic Lay Organizations sa bansa kasama na ang iba't ibang archdiocesan at diocesan Councils of the Laity ng 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.