Janella, nagpasalamat sa korte dahil na-acquit sa plunder amang si Jinggoy
Nagpasalamat si Janella Ejercito Estrada sa pagkaabsuwelto ng Sandiganbayan sa amang si Senator Jinggoy Estrada sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya halos 10 taon na ang nakararaan.
"The acquittal of my father, Senator Jinggoy Ejercito Estrada in the plunder case has lifted a heavy burden that we, as a family, have carried for far too long," bungad ni Janella sa kanyang Facebook post ilang oras matapos ibaba ng anti-graft court ang desisyon sa kaso ng senador.
"This legal battle has tested my family’s resilience but our unwavering strength and determination in proving his innocence have been our guiding light. My dad was not just acquitted, he is vindicated. Hindi man ganap ang pagkatig ng Sandiganbayan justices, lubos pa rin ang pasasalamat ng aming pamilya dahil napawalang-sala siya sa kasong plunder," aniya.
Pinaplano rin aniya ng kanyang pamilya na umapela sa hukuman upang patunayang walang kasalanan ang kanyang ama at tuluyang nalinis ng hukuman ang pangalan nito.
Bukod kay Estrada, pinawalang-sala rin ng 5th Division ng Sandiganbayan ang kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles na noo'y pinaniniwalaang mastermind ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Sa nasabi ring desisyon ng korte, hinatulan si Estrada na makulong mula walo hanggang siyam na taon sa kasong direct bribery at mula dalawa hanggang tatlong pagkakapiit naman sa kasong indirect bribery.
Inatasan din siya ng hukuman na magmulta ng ₱3 milyon.
Nag-ugat ang usapin nang kasuhan ng pandarambong si Estrada noong Hunyo 2014. Pinangunahan ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa senador dahil umano sa pagkakasangkot nito sa pork barrel fund scam.
Kasama rin niya sa dating sinampahan ng plunder sina dating Senador Juan Ponce Enrile at Ramon "Bong" Revilla, Jr. dahil sa alegasyong sangkot ang mga ito sa nasabing scam.