Ang isang taong matagal nang nagtatrabaho, anuman ang kaniyang propesyon o hanapbuhay, ay talagang dumarating sa punto ng "retirement" o pagreretiro. Sa Pilipinas, ang tipikal na edad ng paghinto sa pagbabanat ng buto ay 60 anyos o mas maaga pa. Ang oras na dati ay nakalaan sa trabaho, mas nailalaan na sa sarili, pamilya, o sa pamayanan.
Subalit paano kung walang pamimilian kundi magbanat pa rin buto sa kabila ng edad, dahil kung ihihinto ito, paano naman ang mga pang-araw-araw na pangangailangan, kagaya na lamang ng bigas at iba pang pagkain?
Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ng isang registered nurse na si Genesis Wilson Bias mula sa Rizal, nang ma-blessed siya sa isang lolong naglalako ng serbisyo sa pagkukumpuni ng mga sirang payong at sapatos na kinilalang si "Mang Fred."
Kuwento ni Genesis, naisipan niyang magpagawa ng sapatos sa matandang sapatero, at habang nagkukumpuni ay nakakuwentuhan niya ito.
Bata pa lamang ang uploader ay nakikita na niya si Mang Fred, at ito raw ang hanapbuhay nito noon pa man. Araw-araw kung maglako ng kaniyang serbisyo si Mang Fred gamit ang kaniyang bisikleta.
“Mang Fred bata pa lang ako, kayo na po ang nagtatahi ng mga sirang payong at sapatos namin," saad ni Genesis sa kanilang kuwentuhan.
Sagot daw nito, “Suki ko yung babaeng mabait jan sa inyo (Nanay Wina), kaso nabalitaan ko matagal na daw syang namatay" na tumutukoy sa nanay ng uploader.
"Ang tyaga po ‘nyo Manong," papuri niya sa sapatero.
Tugon naman daw ni Mang Fred, “Kailangan eh, para may pambili ng bigas.”
Batay sa Facebook post ng netizen at eksklusibong panayam na rin ng Balita sa kaniya, si Mang Fred daw ay 68-anyos at tubong Baras, Rizal.
Simula noong 1985, ang naging kabuhayan na raw ni Mang Fred ay magkumpuni ng mga sirang payong. Noong 1990, nagsimula na rin siyang mag-repair ng mga sirang sapatos.
Sa simpleng pakikipag-usap daw ni Genesis kay Mang Fred ay marami siyang napagtanto. Pareho raw silang napag-usapan kagaya na lamang ng presyo ng bigas gayundin kung may "pag-asa" pa bang makaahon sa hirap ang bansa.
"Ang simple lang ng dahilan at kaligayahan ni Manong kung bakit sya nagsusumikap sa buhay. Madami kaming napag-usapan tungkol sa buhay. Kagaya ng ang mahal na ng mga bilihin lalo ang bigas at kung may pag-asa pa bang lumiwanag ang Pilipinas???"
"Sa ating buhay, [marami] tayong pinagdadaanan na pagsubok o maaring kadiliman. Ngunit, kailangan lang natin na maniwala na sa bawat araw na nagmumulat tayo ng ating mga mata, nakikita natin ang bagong buhay at liwanag. Sa bawat [pagsulsi] natin sa ating buhay may mabubuong pangarap at makikita natin ang pag-asa."
"Si Mang Fred ang naging blessing ko ngayong araw upang mas makita ko ang halaga ng buhay ko noon at kung ano ang simpleng meron ako ngayon. Maraming Salamat Mang Fred! Ingat po palagi, isasama ko po kayo palagi sa aking mga dasal 🙏🙏🙏🙏"
Hinimok naman ni Genesis ang mga kakilala na kung makita nila si Mang Fred, sa kaniya na magpagawa ng payong at sapatos.
Marami naman sa mga netizen ang nagpatotoo kung gaano kasipag at kabait ang nabanggit na lolo sapatero.
"I remember Manong, he used to repair our umbrellas also. Kudos to you po Manong."
"yes Ghen sya din ang aming taga sulsi ng sapatos at payong, at dati din syang nag titinda ng ice cream, kaya pag nagpapagawa kami s knya nakakwentuhan ko din sya at ganyan din ang sagot nya sa akin, mabait po yan c manong fred,🥰 saludo ako jan kay manong fred ... kaya kung may mga sira kayong Payong at sapatos ipagawa nyo n po s knya. ingat po kayo lagi lalo n at sa pagbabike nyo 🥰."
"Siyang tunay suki din kame niyan ni tatay minsan na namin pinakape c tatay at tinapay habang nagtatahi ng sapatos ng anak ko,sa pagtatahi ng sapatos at payong napagtapos nya na ang anak nya ng college,sobrang bait nyan ni tatay at hindi sya nagppresyo ng mahal basta kumita sya ng sapat oks na sya☺️ salute talaga sa mga lumalaban ng patas sa buhay👏👏☺️."
"Ay oo nagpagawa na din ako dyan mabait nga yan mamang yan ingat po..."
"Sya din gumagawa dito ingat po kayo palagi."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Genesis, sinabi niyang dahil sa kaniyang post ay ilan sa kaniyang mga kakilala ang nagpaabot ng sako ng bigas para sa matanda.
Napag-alaman daw ni Genesis na may asawa, mga anak, at apo na si Mang Fred subalit mas pinipili pa rin nitong kumayod pa rin huwag umasa sa mga anak.
Kudos, Mang Fred! Mag-iingat po kayo lagi!
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!