Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpapatupad ang Department of Finance (DOF) ng panibagong mga ideya sa ilalim ng pamumuno ni Finance Secretary Ralph Recto.

“We have so many new ideas and new commitments that we have taken on so that for the improvement of the economy,” ani Marcos sa isang media interview sa gitna ng oath-taking ni Recto nitong Biyernes, Enero 12.

Ayon pa sa pangulo, kumpiyansa siyang makakaisip si Recto ng mga bagong ideya na kailangan ng bansa para sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

Samantala, nilinaw ni Marcos mananatiling pareho ang mga polisiya sa DOF.

National

Recto, pinanumpa ni Marcos bilang DOF secretary

“The policies remain the same. The fiscal discipline will remain the same,” aniya.

Nang tanungin naman kung ipapasok ni Recto ang mga reporma sa buwis sa ilalim ng kaniyang pamumuno, sinabi ni Marcos na nais niyang tingnan muna ng bagong Finance chief ang operasyon ng DOF at suriin ang mahahalagang isyu sa departamento.

Sinabi rin ng pangulo na gagawa ang kaniyang economic team ng listahan ng mga prayoridad pagdating sa mga partikular na proyekto at pagbuo ng panukala na ginawa sa gitna ng kaniyang foreign trips.