Ipinahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang kaniyang pagkadismaya sa naging pagbasura ng Quezon City Prosecutor’s Office sa “grave threats” complaint na isinampa niya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang napabalita nitong Biyernes, Enero 12, na ibinasura ng QC prosecutor ang grave threats complaint laban kay Duterte dahil sa kawalan umano ng sapat na ebidensya.
Sa isa namang pahayag nitong Sabado, Enero 13, iginiit ni Castro na hindi umano kinilala ng naturang desisyon ang takot na naramdaman niya at ng kaniyang pamilya dahil sa binitawan daw na salita ni Duterte.
“Dismayado ako sa sinasabing pagbasura ng kasong grave threats na isinampa ko laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte dahil di nito kinilala ang takot na dinala nito sa akin at sa aking pamilya. Para din nitong pinagkait ang katarungan sa akin,” ani Castro.
“Hindi pa namin opisyal na natatanggap ang desisyon ng piskal. Kailangan pa naming mapag-aralan ang desisyon at makipagkonsultahan sa aking mga abugado para sa mga susunod naming mga hakbang,” saad pa niya.
Matatandaang noong Oktubre 24, 2023 nang magsampa si Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte dahil sa “death threats” umanong binitawan ng dating pangulo laban sa kaniya.
https://balita.net.ph/2023/10/24/rep-castro-kinasuhan-si-ex-pres-duterte/
Ito ay kaugnay ng naging patutsada kamakailan ni Duterte kay Castro sa isang panayam ng SMNI, kung saan sinabi niyang gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.
https://balita.net.ph/2023/10/12/ex-pres-rodrigo-duterte-nagpatutsada-kay-rep-castro/
Samantala, sa kaniyang counter affidavit ay itinanggi ng dating pangulo ang mga akusasyon umano ng “grave threats” ni Castro.
“It bears emphasizing that none of the requisite elements of the crime charged are present considering that I made no actual threat whatsoever to complainant Castro. In the first subject episode [cited in the complaint], I was merely recounting the conversation I had with my daughter, anent the proposed confidential funds of the Office of the Vice-President and the Department of Education," nakasaad sa counter affidavit ni Duterte na inulat ng GMA News.