Ipinahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva nitong Huwebes, Enero 11, ang pagbaba ng unemployment rate ay isang indikasyon na “fully recovered” na ang ekonomiya ng Pilipinas, partikular na raw sa sektor ng paggawa.
Matatandaang inulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Martes, Enero 9, na nasa 3.6% ang naitalang unemployment rate sa Pilipinas nitong Nobyembre 2023, mas mababa kumpara sa unemployment rate noong Oktubre 2023 maging noong Nobyembre 2022 na parehong nasa 4.2%.
Pinuri naman ni Villanueva ang nasabing pagbaba ng unemployment rate sa bansa, lalo na’t ito raw ang pinakamababang naitalang unemployment rate mula noong 2005.
“The continuous improvement in our unemployment rate is a clear indication that our economy, particularly our labor sector, has fully recovered and that the policies being implemented are working. But our job’s not done yet,” pahayag ni Villanueva.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ng senador na kailangang ipagpatuloy ang pagsisikap na panatilihing mababa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, kaya’t mahalaga raw na makumpleto na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Trabaho Para Sa Bayan (TPB) Act.
“The full implementation of the TPB Act, a measure which we principally sponsored and authored, will ensure that we will have a comprehensive and synergized employment plan that is aligned with our incentive system giving priority to education and training and employment generation,” ani Villanueva.
“Quality laws, like the TPB, are the product of the hard work of the Senate as an institution in crafting laws that would benefit the people,” saad pa niya.