Nagulat daw si "Tahanang Pinakamasaya" host at Kapuso actor Paolo Contis nang lumabas ang desisyon ng korte sa Marikina na kinakailangan nang ihinto ng TAPE, Inc. at GMA Network ang paggamit sa titulo, logo, at jingle ng kanilang noontime show na dating "Eat Bulaga!"
Matapos ang pagpapalit ng pangalan ng "Eat Bulaga!" sa "Tahanang Pinakamasaya" ng TAPE, Inc. at GMA Network, at paggamit na ng "EAT... Bulaga!" ng TVJ sa TV5, binalikan ng mga netizen ang TV host-actor.
Si Paolo kasi ang tila naging "spokesperson" ng management noong Disyembre 6 para sabihin sa mga manonood na hindi pa tapos at mahaba pa ang laban kaugnay ng issue sa copyright at trademark ng pinag-aawayang titulo, logo, at theme song ng noontime show.
“Magandang tanghali! Nakaputi ako ngayon, iba ang outfitan ko ngayon pero simple lang ang gusto kong sabihin para sa ating mga Kapuso. Mga Kapuso, mahaba pa po ang laban. Ibig sabihin, legally, wala pang final. Okay? ,” pahayag ni Paolo.
“Pero ito lang po ang pangako namin, ano man ang mangyari, ang nasimulan po namin na tulong at saya ay itutuloy lang po namin araw-araw. Dahil ‘yun naman po ang dahilan kung bakit kami pumapasok araw-araw. Kayo po ang dahilan kaya nandito kami,” saad pa niya.
Matatandaang ipinawalang-bisa na ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) ang Trademark Registration ng TAPE, Inc. para sa titulong “Eat Bulaga!”
Pero bago pa man ito, naglabas ng resibo noong Agosto ang TAPE na nauna silang magpa-renew ng “Eat Bulaga!” trademark sa IPOPHIL bago pa man ang paghahain ng reklamo ng Petitioners na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon o TVJ tungkol dito.
Noong Enero 5, 2024 lumabas na ang hatol ng Marikina Regional Trial Court Branch 273 tungkol sa kaso na pumapabor sa TVJ.
Sa panayam naman ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Paolo, sinabi nitong naging tensyonado silang lahat nang malaman ang balita dahil kinakailangan kaagad nilang magpalit ng pamagat at iba pang associated na bagay sa Eat Bulaga.
“Nabigla din kami sa desisyon. Pero we had to follow and prepare agad sa maiksing oras na meron kami,” sagot daw ni Paolo sa ipinadalang text sa kanila.
Ngayong nag-iba na ng pamagat ang noontime show, challenge daw sa kanila ngayon kung paano magiging household name ito sa dila ng mga manonood.
MAKI-BALITA: ‘Eat Bulaga’ ng TAPE sumuko na, nagbago na ng pangalan
MAKI-BALITA: TAPE sa bagong pangalan ng noontime show: ‘It feels like Day 1’
MAKI-BALITA: Paolo Contis kinantiyawan dahil sa panalo ng TVJ sa Eat Bulaga