Nanawagan si dating Senador Kiko Pangilinan sa pamahalaan na gawing prayoridad ang mga gawang Pinoy na jeep sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) nito.

Sa isang X post nitong Lunes, Enero 8, iginiit ni Pangilinan na mas mura raw ang halaga ng modernong jeep na gawa ng local manufacturers kumpara sa mga imported na jeep mula China.

“Mas maraming operator ang makakabili ng lokal na jeep na nasa P900,000 hanggang P985,000 lang ang halaga, habang ang imported jeep na galing China ay nasa P2.6 million hanggang P2.9 million ang presyo,” ani Pangilinan.

“Makatutulong din ang pagbili ng local jeepney para sa muling paglago ng jeepney manufacturing industry ng bansa,” dagdag pa niya.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Binanggit din ng dating senador na noong mga panahong nasa Senado pa raw siya ay isinulong niya ang pagtatangkilik sa mga lokal na produkto.

“Ito’y isang epektibong paraan para muling mapasigla ang ekonomiya at mapalakas ang mga negosyo sa bansa, lalo na ang sektor ng micro, small at medium enterprises (MSMEs),” ani Pangilinan.

“Bukod pa rito, lilikha rin ito ng mas maraming trabaho at kabuhayan para sa mas maraming Pilipino,” saad pa niya.