Permit to carry firearms, suspendido muna sa Maynila sa Enero 9

(Manila Bulletin File Photo)
Permit to carry firearms, suspendido muna sa Maynila sa Enero 9
Sinuspindi muna ang permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa Maynila dahil sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Sa pahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bahagi lamang ito ng security preparations para sa Traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno.
Layunin ng gun ban na magsisimula dakong 7:00 ng umaga ng Enero 8 (Lunes) hanggang 7:00 ng umaga ng Enero 10, na matiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong deboto.
Ibinawal din muna ng NCRPO ang pagpapalipad ng drone simula sa Linggo hanggang Miyerkules.
Ipatutupad naman ang "no sail zone" sa South Harbor at Pasig River, kabilang ang malapit sa Quirino Grandstand kung saan idadaos ang Traslacion, mula Enero 6-10.
Ipakakalat din aniya ng NCRPO ang 15,276 pulis upang magbantay sa dadaanan ng prusisyon at mga kalapit-lugar.
PNA