"Libre lang lapit na kayo!"

Isang truck ng mga repolyo ang ipinamahagi ng mga magsasaka sa kanilang kababayan sa Dalaguete, Cebu.

Makikita sa Facebook post ni Roel Requina, 28, mula sa Obo, Dalaguete, Cebu ang ilang mga larawan at video kung saan nakasakay sa isang truck na puno ng mga repolyo ang ilang mga magsasaka habang inaabot sa mga residente ang kanilang libreng produkto.

Habang sinusulat ito’y umani na ng 1,500 shares ang naturang post.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Requina na nasa kalagitnaan siya ng kaniyang trabaho bilang traffic enforcer noong Biyernes, Enero 5, nang mapansin nila ang naturang truck ng mga repolyo. 

“Napansin ko sa may bandang harap sa windshield niya ay merong karatola na nakasulat: ‘Libre lang dool namo’ o ‘Libre lang lapit na kayo’,” kuwento ni Requina sa Balita.

Nang tanungin daw niya ang driver ng truck kung bakit sila namimigay, sinabi raw nito na hindi na nila maibenta ang nasabing mga repolyo at hindi na rin daw kayang maibiyahe ang mga ito sa malayo o maisakay ng barko.

“Imbes na itapon at ikarga sa garbage truck ay naisipan po nila na ipamimigay sa mga tao,” saad ni Requina.

Dahil dito, nakita raw niya kung gaano rin naging masaya ang mga residenteng nakatanggap ng nasabing regalo mula sa kanilang mga magsasaka 

“Proud kami sa mga magsasaka namin. Support local farmers,” ani Requina.