Umakyat na sa 92 ang bilang ng mga naitalang nasawi habang 242 indibidwal ang nawawala dahil sa nangyaring malakas na lindol sa Japan noong Lunes, Enero 1, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Biyernes, Enero 5.
Sa ulat ng Agence-France Presse, hindi bababa sa 330 katao pa ang naitalang nasugatan kaugnay ng malakas na lindol at daan-daang aftershocks nito.
Humigit-kumulang 30,000 kabahayan naman daw ang wala pa ring kuryente sa rehiyon ng Ishikawa, habang 89,800 mga tahanan doon at sa dalawang kalapit na rehiyon ang wala pa ring tubig.
Matatandaang tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa rehiyon ng Noto sa Ishikawa prefecture sa bahagi ng Sea of Japan bandang 4:10 ng hapon (0710 GMT) noong Lunes.
Sa kasalukuyan ay libu-libong mga sundalo, bumbero at mga opisyal ng pulisya mula sa buong Japan ang kumikilos upang mag-rescue at rumesponde sa mga gumuhong mga gusali.
Samantala, inihayag naman ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, Enero 4, walang naiulat na mga Pilipino sa Japan na nasawi dahil sa naturang lindol.
Magpapaabot din daw ang ahensya ng tulong sa overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang bansa na naapektuhan ng nasabing pagyanig.