Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino nitong Huwebes, Enero 4, na lubusin at gamitin nila ang paparating na mga long weekend ngayong taon kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Marcos ang mga petsa ng holidays at long weekends ngayong 2024. 

Makikita sa post ng pangulo ang mga sumusunod na long weekends:

    Malacañang, inilabas listahan ng holidays sa 2024; EDSA anniversary, 'di kasama?

  • Marso 28-31 (Maundy Thursday hanggang Easter Sunday)
  • Agosto 24-26 (National Heroes Day weekend)
  • Nobyembre 1-3 (Undas weekend)
  • Disyembre 28-31 (Rizal Day at New Year’s Eve long weekend)

“Lubusin natin ang mga long weekend ngayong 2024 kasama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay!” saad ni Marcos sa kaniyang post.

“Paghandaan din nating mabuti ang ating mga transaksyon at bakasyon para sa isang produktibo at masaganang taon,” dagdag pa niya.

Matatandaang noong Oktubre 13, 2023 nang ilabas ng Malacañang ang listahan ng mga petsa ng regular holidays at special non-working days na idineklara ni Marcos para sa 2024.

Samantala, hindi naman nakasama sa listahan ng mga holiday ang 38th anniversary ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25, 2024.

Paliwanag naman ng Office of the President kamakailan, hindi umano ito nakasama sa listahan ng special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo.

https://balita.net.ph/2023/10/13/op-may-pahayag-sa-di-pagsama-sa-edsa-anniversary-sa-holidays-para-sa-2024/