Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Enero 2.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Posible namang magdala ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

‘Pinas, posibleng magkaroon ng isang bagyo sa Enero – PAGASA

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng CALABARZON.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, ayon sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible naman ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa PAGASA.

Sa ngayon ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: