Nagpaabot ng mensahe si House Speaker Martin Romualdez sa pagpasok ng taong 2024 sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Enero 1.
Ayon sa kaniya, hatid at dasal daw niya ang mensahe ng pag-asa at pangako para sa bayan.
“Ngayong taong ito, mas pinagtibay natin ang ating pagkakaisa at determinasyon upang isulong ang kapayapaan at kaunlaran para sa bawat Pilipino,” saad ni Romualdez.
“Nakatutok tayo sa pagpapalakas ng ating ekonomiya, pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan, pagpapaigting ng serbisyong panlipunan, at higit sa lahat, ang pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa ating bansa. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating sama-samang pagsisikap, mas marami pa tayong magagawa para sa kinabukasan ng bawat Pilipino,” aniya.
Hiling din niya na sana raw, sa pagdaan ng mga araw, linggo at buwan ng 2024 ay patuloy na makita ng mga Pilipino ang bunga ng dedikasyon at pagsisikap ng bawat isa.
Dagdag pa niya: “Sa pagkakaisa, walang imposible. Manalig tayo sa ating kakayahan bilang isang bansa na harapin ang anumang hamon at lumago nang magkasama. Kasama ang buong pamahalaan, nakatutok tayo sa paggawa ng mga hakbang na magdadala ng mas magandang bukas para sa ating lahat.”
Bilang panapos, nagpayo siya na ipagpatuloy ang pagtahak sa landas ng pag-unlad at kapayapaan saka siya bumati ng manigong bagong taon sa lahat.