Sabi nga, good or bad publicity is still publicity. Mapa-maganda o pangit na istorya kaugnay ng isang artista, celebrity, o maging social media influencers, talagang makatutulong din ito sa career para siya o sila ay mapag-usapan, umingay ang pangalan, at maging relevant lalo na sa social media.

Kaya naman, narito ang ilan sa mga pinakapinag-usapang "showbiz walwalan" o mga intriga, isyu, at kontrobersiyang kinasangkutan ng mga celebrity ngayong 2023, mula Marso hanggang Abril!

1. Tapatan ng pelikula nina Darryl Yap, Vince Tañada, at Joel Lamangan

Marso 1 ay nagsagupaan sa mga sinehan ang "Martyr or Murderer"ni Darryl Yap (sequel ng Maid in Malacañang) na patungkol sa pamilya Marcos, ang "Ako Si Ninoy" ni Atty. Vince Tañada at "Oras De Peligro" ni Direk Joel Lamangan, na panapat naman nila rito at tumatalakay sa panahon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

2. Rebranding ng Eat Bulaga!

Unang narinig ang isyu tungkol sa umano'y "rebranding" at gusot sa pagitan ng TAPE, Inc. at original hosts ng noontime show na "Eat Bulaga" na sina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon o kilala bilang TVJ.

Nag-react naman dito si Joey nang ibahagi niya sa Instagram account ang screenshot ng balita mula sa Manila Bulletin tungkol sa kanilang rebranding.

"Actually, natatawa at natutuwa ako sa mga pangyayari kasi pinag-uusapan pa rin kami hanggang ngayon! Thanks!" tanging caption ni Joet, na naka-tag pa sa mga misis nina Titosen at Bosing Vic na sina Helen Gamboa at Pauleen Luna.

3. Bardagulang Maegan Aguilar at Sen. Raffy Tulfo

Masama ang loob ng anak ng OPM singer na si Ka Freddie Aguilar kay Senador Raffy Tulfo na si Maegan Aguilar matapos nitong i-atras ang pagtulong sa kaniya, matapos umanong magpositibo sa paggamit ang droga ang singer.

Pinayuhan ng senador at host ng "Raffy Tulfo in Action (RTIA)" si Maegan na magpa-rehab muna, at kapag maayos na ulit siya, saka niya ito tutulungan.

Naloka naman ang mga netizen nang magsagawa ng Facebook Live si Maegan habang emosyunal na naglalakad sa isang kalye, na tila nagbabantang tatalon sa isang mataas na gusali dahil sa labis na pagkadismaya.

Nagbitiw pa si Maegan ng mga pahayag na hindi niya papayagang makalapit ang mga magulang at kaanak sa kaniyang bangkay kung sakaling pumanaw siya.

Pero lately, bandang Nobyembre ay nagkaayos na ang mag-ama bagay na ikinatuwa naman ng kanilang mga tagahanga.

4. Pagpalag ni Ogie Diaz sa isyu ng "komisyon" kay Liza Soberano

Pinalagan ni Ogie Diaz ang tungkol sa lumulutang na detalyeng sinabi raw niya na dalawang taon na siyang walang komisyon sa dating alagang si Liza Soberano.

Isa ito sa mga nauntag ni King of Talk Boy Abunda sa eksklusibong panayam sa kaniya sa "Fast Talk with Boy Abunda" na umere noong Biyernes, Marso 10, at kahapon ng Lunes, Marso 13.

Pinasinungalingan ni Liza ang detalyeng iyon at sa katunayan daw, kahit hindi na involved si Ogie sa ilang endorsement niya ay nakatatanggap pa rin ito; sa katunayan, may paycheck pa raw na inaasahan si Ogie mula sa kanila.

Bagay na pinalagan naman ni Ogie dahil ang impormasyong ito ay mula raw sa Facebook post ni "Pambansang Lalaking Marites" Xian Gaza.

Hindi rin daw alam ni Ogie kung saan nakuha ang ganitong detalye. Binigyang-linaw ni Ogie ang tungkol dito sa kaniyang vlog na "Showbiz Update."

5. Pagresbak ni Rendon Labador kay Coco Martin dahil sa "FPJ's Batang Quiapo"

Naglabas ng open letter sa kaniyang Facebook post ang motivational speaker at social media personality na si Rendon Labador para kay "FPJ's Batang Quiapo" lead actor at direktor na si Coco Martin, kaugnay ng isyung may mga nagtitinda raw sa Quiapo na naaabala na sa pagbebenta dahil sa "abalang" dulot ng taping nila.

Kalakip ng open letter ni Rendon ang video clip ni Coco kung saan natanong ito kung ano ang masasabi sa pag-call out sa kaniya ng una.

Makikitang ngingiti-ngiti lamang si Coco at tila ayaw na siyang patulan. Nasabi rin nitong kinukuha niya si Rendon pati na ang kapatid nito sa serye, subalit tumanggi sila.

"Hayaan n'yo na... ako naman inuunawa ko na lang sila," pahayag ni Coco.

6. "Soft launch" ng relasyong James Reid at Issa Pressman; akusasyon kay Yassi Pressman

Matapos ang isyu ng "soft launch" ng relasyong James Reid at Issa Pressman na naispatang magka-holding hands at sweet sa panonood ng concert ni Harry Styles, nagbahagi naman ng cryptic Instagram story ang kapatid ni Issa na si Yassi Pressman.

Mababasa sa kaniyang IG stories ang text caption na "There are always 2 sides to a story... ABANGAN!!" habang makikita sa background ng litrato ang mga dahon ng puno.

Inakusahan kasi si Yassi na isang "kunsintidor" na ate raw kay Issa.

"Smiling cause you don’t know anything about our personal relationships 🤍🤭," ani Yassi kalakip ang mga litrato niya na todo-awra at wafakels sa mga "judgers."

7. "Pang-aahas" daw ni Kira Balinger kay Kelvin Miranda

Hindi raw ugali ng Star Magic artist at Kapamilya actress na si Kira Balinger na mang-agaw o mang-ahas ng boyfriend ng ibang babae.

Iyan ang paglilinaw ni Kira nang mauntag ng PEP kaugnay ng isyu sa kanila ni Sparkle artist at Kapuso actor na si Kelvin Miranda, kung saan, inexpose ng ex-girlfriend nitong si Roselle Vytiaco noong Enero 2023 ang tungkol sa "harutan" ng ex-boyfriend kay Kira.

Sa kauna-unahang pagkakataaon ay matapang na binasag ni Kira ang kaniyang katahimikan tungkol sa isyung kinasangkutan. Paliwanag ng aktres, totoong nagkaka-chat at naging malapit sila ni Kelvin dahil nagkasama sila sa lock-in shooting ng pelikulang "Poon" subalit hindi raw siya naging kabit, at walang "tikimang" naganap sa pagitan nilang dalawa.

Inamin din ni Kira na nagalit siya kay Kelvin dahil hindi raw niya alam na may jowa pala ito.

"Hindi po ako third wheel. Kung anuman naging usapan nilang dalawa ng ex niya, out na po ako doon. If there's somebody Ate Girl should talk to, it should be him," kalmado raw na sagot ni Kira sa panayam ng PEP.

Nilinaw rin ni Kira na hindi siya ang dahilan ng hiwalayan ng dalawang ex-couple.

Nag-sorry naman daw si Kelvin sa kaniya matapos makaladkad ang pangalan niya sa mga nangyari.

Hindi na raw kasalanan ni Kira kung talagang ang mga lalaki ang habol nang habol sa kaniya!

Panalong pahayag ng aktres, "I do not steal men, I don't run after them, they come to me."

8. "Marital problem" sa pagitan ng mag-asawang John Estrada at Priscilla Meirelles

Naging usap-usapan ang tila "pag-expose" ng beauty queen-actress na si Priscilla Meirelles tungkol sa umano'y isang babaeng kakausap ng kaniyang asawang si John Estrada.

Isa-isang na-screenshot ng mga netizen ang tila parinig ni Priscilla tungkol sa "cheaters" at "married men/women."

"Married men/women who chase single boys/girls are seriously so pathetic!" unang Instagram story.

Sumunod naman, "What to call a female that entertains married man?"

At panghuli, "Guys, close your eyes. Imagine you have a daughter. Imagine she is dating a guy like you. Did you smile? No. Then change."

Bagama't hindi tumukoy ng mga pangalan, naniniwala ang mga netizen na mukhang may pinagdaraanan ngayon ang misis ni John. Inamin din naman ni Priscilla na may marital problem sila ni John.

Dahil dito, nakakaladkad tuloy ang pangalan ng mga babaeng may kaugnayan sa buhay ng asawa noon, gaya nina Janice De Belen at Vanessa Del Bianco.

Ngunit batay rin sa mga posts ni Priscilla ay mukhang nagkaayos naman silang mag-asawa at hindi natuloy sa hiwalayan ang kanilang relasyon.

9. "Motivational rice" ni Rendon Labador

Sumikat ang "motivational rice" ng social media personality-entrepreneur na si Rendon Labador dahil sa 100 pisong halaga ng rice sa kaniyang restaurant.

10. "Gucci rice" ni Bryanboy

Bilang sagot sa "motivational rice," ibinida naman ng social media personality-fashion socialite Bryanboy ang kaniyang "Gucci rice" na wala raw panama kay Rendon.

Para kay Bryanboy, hindi nakaka-motivate ang 100 pisong motivational rice ni Rendon; ibinida naman niya ang kaniyang Gucci rice na nagkakahalagang 20,000 euros per kilo.

Patikim pa lamang iyan, abangan pa ang part 3 mula Mayo hanggang Hunyo!