“Mapipilayan tayo kapag pati sila nawala.”

Marami ang naantig sa post ni Marvel Obemio, 35, mula sa Quezon City, tampok ang isang jeepney driver na nagpa-libreng sakay sa kanila.

Sa kaniyang Facebook post, inihayag ni Obemio na wala siyang masakyan nang mga araw na iyon papuntang trabaho bilang isang visual artist.

“Sa gitna ng paglalakad ko pa-UPD (University of the Philippines-Diliman), may Mamang Driver na nagsisigaw libreng sakay, dali-dali kaming sumakay kasabay mga estudyante at mga Nanay na galing Christmas Party, lahat nakangiti, lahat masaya, laking tipid. May mangilan-ngilang estudyante na nagpupumilit magbayad, pero tinatanggihan kami ni kuya, pamasko niya na raw sa amin,” kuwento ni Obemio.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

“Nasabi niya sa’min kung magiging huling biyahe niya man daw ‘yun, masaya siyang nakapaglingkod sa tao,” dagdag niya.

Nakuwento rin daw ng jeepney driver sa kanila ang tungkol sa mga graduation pictures ng kaniyang mga anak na nakadikit sa kaniyang jeep.

“Sabi niya: ‘Lahat ‘yan ay produkto ng aming biyahe.’ Sobrang solid nun,” saad ni Obemio.

“Mapipilayan tayo kapag pati sila nawala. Kung maririnig n’yo lang mga hinanaing nila,” dagdag niya kasama ang hashtag na #NoToJeepneyPhaseout.

Umabot na sa mahigit 28,000 reactions, 176 comments, at 40,000 shares ang naturang post.

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, ibinahagi ni Obemio na masaya raw siya dahil marami ang naka-appreciate sa post, lalo na raw sa gitna ng kinahaharap na pagsubok ngayon ng mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs).

“Dati rin po kasing jeepney operator ang father ko po kaya medyo alam ko mga dilemma nila… Di natin alam kung magtutuloy pa ang pamamasada ng mga tsuper. Gusto ko man sabihin na magpatuloy sa buhay, eh kung tatanggalan naman nila ang panghanap buhay, paano?” aniya.

“Sana mapahinto ang pagpe-phase out ng mga jeepney, dahil bukod sa kultura na gusto nilang tanggalin, baka pati pagkain sa mesa ng mga pamilya ng drivers ay mawala din. Kaya sana matulungan at pag-aralan pa ng ating gobyerno kung ano ang pwedeng gawing hakbang o programa para sa operators at drivers, para maiayos ang lahat,” saad pa ni Obemio.

Nananawagan ngayon ang libu-libong mga jeepney driver at operator na huwag ituloy ang December 31, 2023 deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“Daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan sa buong bansa pagdating ng December 31. Samantala, magreresulta rin ng malawakang transport crisis ang pagpupumilit sa programa… Ang pinagsisilbihan lamang ng PUVMP ay ang malalaking negosyanteng lokal at mga dayuhang korporasyon,” pahayag ng transport group na PISTON kamakailan.

Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.