Hinikayat ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pakinggan ang panawagan ng libu-libong mga jeepney driver at operator at isantabi, kung hindi man tuluyang ibasura, ang December 31 deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Disyembre 29, nakiisa si Brosas at ang Gabriela sa halos “200,000 jeepney drivers at operators” na humaharap umano sa nalalapit na Disyembre 31 franchise consolidation deadline.

"The December 31 deadline for the mandatory franchise consolidation forces over 60,000 jeepney operators to give up their franchises and join just a few transport cooperatives or companies," giit ni Brosas.

"Sa gitna ng matinding krisis sa bansa, mawawalan pa ng katiyakan sa trabaho at kabuhayan ang mga jeepney drivers at operators. With significantly fewer PUVs on the roads by January 2024, millions of Filipino commuters will face a severe transport crisis, affecting important parts of the economy,” dagdag pa niya.

Dec. 31 deadline ng PUV consolidation, mananatili – DOTr chief

Ayon sa mambabatas, hinahadlangan ng naturang deadline ang “constitutionally protected freedom” ng asosasyon ng mga jeepney driver at operator.

"Drivers and operators are being pressured to join transport cooperatives or companies, disbanding their current jeepney associations and putting their livelihoods at risk," ani Brosas.

"Ginawan nila ng paraan na magkaroon ng jeep para mapakain ang kanilang mga pamilya ng walang tulong mula sa gobyerno. Bago pa ang PUV modernization program, mayroon na silang mga sariling grupo at asosasyon. Ngayon, sa isang iglap, ay tatanggalin ito sa kanila," saad pa niya.

Matatandaang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nitong Huwebes, Disyembre 28, na hindi na umano nila palalawigin ang December 31 deadline ng franchise consolidation.

“The PUV consolidation deadline stays. This initiative has gained the support of the majority of our PUV operators as around 70% of them have already taken part in the consolidation process,” ani Bautista.

Matatandaang taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.

Kaugnay nito, ilang mga grupo ang nagkakasa ng transport strike bilang pagprotesta sa hindi pagpapalawig ng pamahalaan sa naturang deadline ng franchise consolidation.

“Daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan sa buong bansa pagdating ng December 31. Samantala, magreresulta rin ng malawakang transport crisis ang pagpupumilit sa programa… Ang pinagsisilbihan lamang ng PUVMP ay ang malalaking negosyanteng lokal at mga dayuhang korporasyon,” pahayag ng transport group na PISTON kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/12/17/manibela-piston-nakahanda-na-sa-transport-strike-sa-dec-18-29/