Inalay ni “GomBurZa” star Cedrick Juan ang kaniyang natanggap na “Best Actor” award sa mga Pilipinong nakararanas ng inhustisya.

Sa kaniyang acceptance speech sa 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal na ginanap sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City nitong Miyerkules, Disyembre 27, ipinakilala ni Cedrick ang kaniyang sarili bilang isang taong nagmamahal sa pag-arte at nagsimula sa teatro.

Nagpasalamat din ang aktor sa mga tumulong at nagtiwala sa kaniya para maging bahagi ng historical film na GomBurZa, na pinarangalan naman bilang "2nd Best Picture."

Listahan ng mga nagwagi sa 2023 MMFF Gabi ng Parangal

“Inaalay ko po itong parangal na ito para sa lahat ng Pilipinong hindi nakakakuha ng tamang hustisya,” ani Cedrick.

“Dahil 152 years ago, ganoon po ‘yung nangyayari sa atin at ‘yun po ang kuwento ng tatlong paring martir, na sana ay matuto tayo sa ating history, hindi para baguhin ito kundi para matuto,” dagdag pa niya.

Ginampanan ni Cedrick sa “GomBurZa” ang karakter ni Padre Jose Burgos.

Si Padre Burgos ay isa sa tatlong Pilipinong paring martir na ginarote ng mga Espanyol matapos pagbintangan ng subversion noong 1872. Ang kaniyang pagkamatay, kasama ang dalawang paring sina Padre Mariano Gomes at Padre Jacinto Zamora, ay naging dahilan ng pagsiklab ng tapang sa puso ng mga Pilipino upang magrebolusyon laban sa mga mananakop.

Samantala, natalo ni Cedrick sa naturang Best Actor award ang iba pang nominees na sina Alden Richards para sa "A Family of Two," Piolo Pascual para sa "Mallari,” Derek Ramsay para sa "(K)ampon," Dingdong Dantes para sa "Rewind," at Christopher de Leon para sa "When I Met You In Tokyo."

https://balita.net.ph/2023/12/24/ricky-lee-nang-mapanood-ang-gomburza-ive-never-felt-more-filipino/