Patuloy ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Disyembre 28.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang Cagayan Valley, Aurora, at Quezon dahil sa amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga Visayas, Mindanao, MIMAROPA, at Bicol Region bunsod ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at ng localized thunderstorms.

‘Pinas, posibleng magkaroon ng isang bagyo sa Enero – PAGASA

Posible rin umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, ayon pa sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Sa ngayon ay wala raw binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Maliit din umano ang tsansang magkaroon ng bagyo ang bansa hanggang sa pagtatapos ng taong 2023.

Kaugnay na Balita: