Tinatayang 96% ng mga Pilipino ang nagsabing sasalubungin nila ang Bagong Taon nang may pag-asa, ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Huwebes, Disyembre 28.
Sa tala ng SWS, isang puntos na mas mataas ang mga Pinoy na tatahak sa Bagong Taon nang may pag-asa kumpara sa 95% na datos noong 2022. Ito rin daw ang pinakamataas mula noong pre-pandemic, na 96% noong 2019.
Samantala, 3% umano ang nagsabing papasukin nila ang taong 2024 nang may pangamba. Dalawang puntos namang mas mababa ito kumpara sa 5% noong 2022.
“Hope for the New Year was 87% when first surveyed by SWS at the end of 2000. It was in the 80s at the end of 2000, 2001, 2004, 2005, and 2009. It was in the 90s at the end of 2002, 2003, 2006, 2007, 2008, and from 2010 to 2023,” anang SWS.
Isinagawa umano ang nasabing fourth quarter survey ng SWS mula Disyembre 8 hanggang Disyembre 11, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas.
Matatandaang kamakailan lamang ay inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng kanilang survey kung saan 92% daw ng mga Pinoy ang nananatiling “optimistic” at haharapin ang 2024 nang may pag-asa.