Ngayong Kapaskuhan, nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipinong tulungan at damayan ang kanilang kababayan na naghihirap at may pinagdadaanan sa buhay.
Sa kaniyang video message nitong Linggo, Disyembre 24, binati ni Duterte ang mga Pilipino ng “Maligayang Pasko.”
“Hatid ng kapanganakan ni Hesus ang mensahe ng kapayapaan, pagmamahal, at pag-asa,” ani Duterte.
“Ang pasko ay paalala sa ating mga tagumpay at selebrasyon ng ating pananampalataya at pasasalamat. Ito ang ating mga gabay habang patuloy nating pinagsusumikapang makamtan ang ating mga hangarin ng may maalab na pag-asa at pananampalataya sa Maykapal,” dagdag pa niya.
Hinikayat din ng bise presidente ang bawat isang alalahanin ang kanilang pamilya at ang “kahalagahan ng pagmamahalan natin sa isa’t isa – na siyang regalo natin sa ating mga sarili, sa ating mga komunidad, at sa ating bayan.”
Binigyang-diin din niya na ang pamilyang pinag-isa ng pagmamahal, pag-asa at pananampalataya ang sandigan ng bayan.
“Huwag natin kalimutan sa Pasko at sa abot ng ating makakaya sa iba pang mga araw ay tulungan at damayan natin ang ating kapwa Pilipino na naghihirap, nagugutom, may karamdaman, at nag-aagaw buhay,” ani Duterte.
“Ngayong Pasko, pasalamatan natin ang ating mga kababayang nagpakita ng katatagan, integridad, malasakit at pagmamahal sa bayan,” saad pa niya.