Dinakip na ng pulisya ang umano'y suspek sa pagpatay sa kapatid ng stepmother ng aktres na si Coleen Garcia-Crawford sa ikinasang operasyon sa Mandaluyong City nitong Linggo ng umaga.

Paliwanag ng Mandaluyong City Police, dinampot ang suspek sa isang construction site sa Barangay Addition Hills nitong Disyembre 24 ng umaga matapos mamukhan ng mga pulis na nakapanood sa kanya sa telebisyon kaugnay ng insidente.

Ang suspek ay sinasabing pumaslang sa dating kinakasama na si Canice Minica Seming sa bahay ng ama ni Coleen sa Antipolo City nitong Disyembre 20 ng gabi.

Natagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak nitong Disyembre 22 ng madaling araw.

Nauna nang inihayag ng pulisya na inabangan nila ang suspek matapos malaman na nagtatrabaho sa naturang construction site.

Isasailalim muna sa medical check-up ang suspek bago ipa-custody sa Antipolo City Police.

Sinabi naman ni Jose Garcia, ama ng aktres, dati na niyang pinaalis ang suspek na namamasukan sa kanila bilang karpintero dahil umano sa paggamit ng illegal drugs.

Iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.