Pamilya ni Samboy "The Skywalker" Lim, Jr., inulan ng pakikiramay
Pamilya ni Samboy "The Skywalker" Lim, Jr., inulan ng pakikiramay
Inulan ng pakikiramay ang pamilya ni PBA legend Avelino "Samboy" Lim, Jr. kasunod ng pagkamatay ng manlalaro nitong Sabado.
Ang mga mensahe ng pakikiramay ay idinaan sa social media post ilang minuto matapos isapubliko ng pamilya ang pagkawala ng kanilang padre de pamilya.
"Our Hearts are broken Today, December 23, 2023, our dearly beloved Samboy passed away peacefully," ayon sa naunang Facebook post ng pamilya ni Lim.
Matatandaang Nobyembre 28, 2014 nang mag-collapse si Lim sa gitna ng exhibition game sa Ynares Center sa Pasig City.
Isinugod sa ospital si Lim kung saan ito na-comatose at noong Enero 14, 2015, inuwi na ito ng kanyang pamilya matapos magising.
Si Lim ay produkto ng Colegio de San Juan de Letran kung saan ito nakasungkit ng tatlong kampeonato sa NCAA noong 1982, 1983, at 1984.
Sumali siya sa San Miguel sa PBA noong 1986 kung saan naging miyembro ito ng grand slam team noong 1989 season.
Nagretiro sa naturang koponan noong 1997, at nakapaglaro pa sa Welcoat sa Philippine Basketball League noong 1998.
Kabilang din si Lim sa Greatest Players ng PBA.