Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Disyembre 24.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas na maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Aurora, at Quezon dahil sa amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Bicol Region, Palawan, Visayas, at Mindanao bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Posible rin umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, ayon pa sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Sa ngayon ay wala umanong binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).