Binigyan na ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na naglalaman ng tig-₱3,000 food credits ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP) sa Tondo, Maynila nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, ang pamamahagi ng EBT cards sa 330 benepisyaryo ng programa.

Ang EBT cards na may lamang ₱3,000 food credits ay gagamitin sa pagbili ng masusutansyang food items mula sa Kadiwa ng Pangulo stalls.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Muling sinabi ni Gatchalian na kabilang sa priority program ng administrasyon ang FSP upang matiyak na magkaroon ng seguridad sa pagkain.

“Itong programa na ito ay tugon doon sa pangako ng ating Pangulo na masigurado na walang Pilipino na nagugutom,” anang kalihim.

“Bagamat pasimula lamang ito, tatakbo ito nang tuluy-tuloy. Ito ho ay hindi lang pamasko ng Pangulo, kundi tugon sa kanyang pangako na by the time na matapos limang taon mula ngayon, dapat wala ng mahirap na Pilipino at dapat wala ng gutom na Pilipino,” sabi ng opisyal.

Nitong nakaraang Huwebes, nasa 400 benepisyaryo ng pilot implementation ng programa ang bumili ng mga nutritious food items sa Kadiwa ng Pangulo stalls sa nasabi ring lugar.

Idinagdag pa ng opisyal, ang bagong grupo ng mga benepisyaryo ay bahagi ng puntiryang 3,000 pilot beneficiaries ng programa.

“Remember sa pilot natin, 3,000 lang ang paunang kasama muna. Kapag naging matagumpay ang programa, lalakihan natin to 300,000 all the way to one million na pamilya,” pagdidiin pa ng opisyal.