Marami ang naantig sa post ng isang 22-anyos na college student mula sa Bataan tampok ang pag-iipon ng kaniyang nanay ng ₱20 coins upang may pambaon siya sa eskuwelahan.

“Isang klase lang ang papasukan ko bukas tapos nag-aalangan pa akong pumasok. 400 ang magagastos ko sa isa’t kalahating oras na klase dahil 300 doon, pamasahe ko balikan. Nanghihinayang ako sa barya-baryang ‘to dahil bawat piso nito, pinaghirapan ng nanay ko sa pagtitinda ng fishball at kikiam. Kung hindi naman ako papasok, mawawalan ako ng attendance, makakaapekto sa grade ko sa subject na ‘yon,” kuwento ng estudyanteng nagtago sa pen name na ‘Fannie Tican’ sa kaniyang Facebook post.

“Na-realize ko lang, ang mahal ng edukasyon kahit libre. Ang mahal mabuhay. Pero ito ang nanay ko, inihiwalay niya na ang 400 na pambaon ko para maitawid ko ang bukas. Salamat, mama. Balang araw, mabibigay ko rin sa ‘yo ang buhay na gusto mo,” saad pa niya.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Fannie Tican na isa siyang 4th year college student sa kursong Business Economics.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Bagama’t sa Bataan daw sila nakatira, sa isang unibersidad sa Pampanga naman siya nag-aaral, kaya’t umaabot daw sa 300 ang pamasaheng nagugugol niya sa pagpasok sa eskuwelahan.

“Na-realize ko, sa halip na ilagay niya sa alkansya niya ‘yung mga baryang ‘yon, ibinigay niya sa ‘kin para may pamasahe at pambaon ako kinabukasan. Kaya habang hawak ko ‘yung 400 na tigbebente, naluluha ako habang nagta-type din ako ng caption sa Facebook,” aniya.

Dahil dito, inspired daw siyang pumasok sa eskuwelahan kinabukasan habang dala-dala ang mga baryang pinaghirapan ng kaniyang ina.

“Alam kong ‘yung ipinasok ko na ‘yon, galing sa sakripisyo at pagmamahal ng nanay ko,” aniya. “Gano’n naman si mama, never ako pinag-absent. Kahit kapos, ginagawan niya ng paraan. Lahat ng itinda, ititinda niya to support kaming magkakapatid.”

Habang isinusulat ito’y umabot na sa mahigit 37,000 reactions, 438 comments, at 12,000 shares ang naturang post sa Facebook.