Pinuna ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang pagpapatuloy ng pamahalaan sa deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), lalo na’t mahigit 68,000 PUVs pa rin umano ang hindi nakakapag-comply rito.

“With more than 68,000 public utility vehicles (PUVs) still unconsolidated two weeks before its deadline, I think that the 'transport crisis' PISTON warned about is indeed in the horizon and it would affect at least 28.5 million commuters,” pahayag ni Castro nitong Linggo, Disyembre 17.

Binanggit ng mambabatas na 68,830 PUVs umano ang napauulat na hindi pa rin nakapag-consolidate para sa naturang programa ng pamahalaan dahil sa hindi nila kaya ang presyo at proseso ng pag-comply rito.

Kaugnay nito, tinatayang 140,000 drivers, 60,000 operators, at 28.5 million commuters umano ang maaapektuhan kapag natulog ang deadline na Disyembre 31, 2023 ng pamahalaan para sa franchise consolidation.

Manibela, PISTON, nakahanda na sa transport strike sa Dec. 18-29

“Ipinipilit kasi ng administrasyong Marcos ang PUV consolidation at modernisasyon daw pero ang tunay na layunin nito ay iphase out ang mga jeepney, tanggalan ng kabuhayan ang mga tsuper at kontrolin ng mga malalaking korporasyon ng transportasyon at dayuhan,” giit ni Castro.

“Pipilayin nito ang transportasyon sa bansa at maging ang ating ekonomiya. Ilulugmok din nito ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) tulad ng mga malilit na operators ng bansa,” saad pa niya.

Nito lamang Disyembre 15, idineklara ng Manibela at PISTON ang muling pagsasagawa ng tigil-pasada simula Disyembre 18 hanggang Disyembre 29, 2023 upang palakasin at mapakinggan umano ang kanilang panawagan na palawigin ang deadline ng consolidation.

“Marapat na itigil na ito ng Marcos administration at pakinggan ang mga transport groups” ani Castro.

Samantala, matatandaang nito lamang namang Disyembre 12, 2023 nang ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong: Marcos Jr. na hindi na umano palalawigin ng pamahalaan ang deadline para sa consolidation ng PUV operators.

“We cannot let the minority cause further delays, affecting majority of our operators, banks, financial institutions, and the public at large. Adhering to the current timeline ensures that everyone can reap the benefits of the full operationalization of our modernized public transport system. Hence, the scheduled timeline will not be moved,” pahayag ni Marcos kamakailan.

Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.