Umabot na sa mahigit isang bilyong piso ang pinsala sa imprastrakturang dulot ng dalawang malalakas na lindol na yumanig sa probinsya ng Surigao del Sur kamakailan.

Base sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, Disyembre 16, ₱1,100,526,558 na umano ang halaga ng impraspakturang nasira ng mga lindol na nangyari noong Disyembre 2 at Disyembre 4, 2023.

Ang naturang halaga ng pinsala ay mula umano sa 1,125 infrastructure projects, tulad ng mga tulay, kalsada, eskuwelahan, health stations, at iba pang government facilities, sa mga rehiyon ng Caraga at Davao.

Kasama rin sa mga naapektuhan ang Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Butuan City at Dinagat Islands sa Region 13, ayon sa ahensya.

Surigao del Sur, niyanig ng 6.9 magnitude na lindol

Nagkaloob naman ng family food packs, tubig, at iba pang relief assistance ang NDRRMC sa mga biktima ng lindol.

Matatandaang bandang 10:37 ng gabi noong Disyembre 2, 2023, nang tumama ang magnitude 7.4 na lindol, na unang itinaas ng ahensya sa magnitude 6.9, sa Hinatuan, Surigao del Sur.

Pagkatapos nito, isang magnitude 6.8 na lindol ang nagpayanig sa Cagwait, Surigao del Sur noong Disyembre 4, 2023, dakong 3:49 ng madaling araw.

https://balita.net.ph/2023/12/04/surigao-del-sur-niyanig-ng-magnitude-6-8-na-lindol/