Posibleng pumasok ng Philippine area of reponsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) ngayong Sabado, Disyembre 16, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, ibinahagi ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA 1,225 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Mindanao.

Posible naman umanong maging bagyo ang naturang LPA.

“Bagama’t maging bagyo man o hindi, inaasahan po natin na maaari itong magdala ng mga pag-ulan lalo na po bukas, partikular na sa mga lugar ng eastern section ng Mindanao at ng Visayas,” ani Badrina.

National

PBBM at ex-VP Leni, nagkamayan sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena

Sa ngayon ay wala pa naman umanong direktang epekto ang LPA sa alinmang bahagi ng bansa.

Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa loob ng 24 oras, inihayag ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley dulot ng northeast monsoon o amihan.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito, ayon sa PAGASA.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.