Free concert 'to! Ballader David Pomeranz, magpapakilig sa mga taga-QC sa Dis. 17
Marami na naman ang kikiligin, lalo na sa mga taga-Quezon City dahil sa nakatakdang libreng konsiyerto ni premier balladeer David Pomeranz sa Quezon Memorial Circle sa Disyembre 17 ng gabi.
"Siguradong mai-inlove kayo sa kanyang classic hits, tulad ng 'Got to Believe in Magic', 'King and Queen of Hearts, 'Born for You', at 'The Old Songs,' ayon sa social media post ng QC government nitong Sabado, Disyembre 16.
Ang naturang konsiyerto na may temang "The Joy of Christmas' David Pomeranz Concert" ay gaganapin dakong 6:00 ng gabi.
Kabilang sa special guests sina Donita Nose, Frenchie Dy, at Powerhouse Band.
Makakasama rin sa konsiyerto ang Quezon City Symphonic Band at QC Performing Arts Development Foundation, Inc. Concert Chorus.
Bahagi lamang ito ng 40th Anniversary Concert Tour ni Pomeranz na matatapos sa Iloilo Convention Center sa Disyembre 19.
Matatandaang inimbitahan si Pomeranz sa Pilipinas noong 1983 kung saan idinaos ang una niyang konsiyento sa Folk Arts Theater.