Nakapasok na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Disyembre 16.
Sa ulat ni PAGASA Weather Forecaster Chenel Dominguez dakong 4:00 ng hapon, huling namataan ang LPA 925 kilometro ang layo sa silangang bahagi ng Southeastern Mindanao.
Ayon kay Dominguez, hindi nila inaalis ang posibilidad na maging bagyo ang naturang LPA sa loob ng 48 oras.
Kapag naging bagyo ay tatawagin daw ito sa pangalang “Kabayan.”
Samantala, patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan sa Northern Luzon, at ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.