Nagpahayag ng paghanga si Vice President Sara Duterte sa “tapang” at “dedikasyon” nina SMNI hosts Jeffrey “Ka Eric” Celiz at Lorraine Badoy para ipaglaban umano ang karapatan at itaguyod ang Saligang Batas.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Disyembre 13, nagpasalamat si Duterte sa mga sumuporta at nakiisa sa laban umano nina Celiz at Badoy.

“Kahanga-hanga ang tapang at tatag na ipinamalas nina Dr. Badoy at Ka Eric para ipaglaban ang ating karapatan at itaguyod ang ating Saligang Batas,” ani Duterte. “Simbolo sila ng isang bayan na naninindigan ng tama at naninindigan para sa tama.”

“Una nang nagpakita ng katapangan at katapatan sa bayan sina Dr. Badoy at Ka Eric bilang bahagi ng matagumpay na kampanya ng Duterte administration laban sa terorismo ng insurhensiya sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict,” dagdag pa niya.

Eleksyon

Ex-VP Leni kay Bam Aquino: 'He deserves to be back in the Senate'

Kinilala rin ng bise presidente ang retired Philippine Military Academy Alumni at mga dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines na nanawagan kamakailan para palayain ang SMNI hosts.

“Ang panawagan ng PMA Alumni at mga kawal ng AFP ay paalala rin sa kahalagahan ng kaayusan, integridad, at maayos na pamahalaan,” giit ni Duterte.

“Maraming salamat din sa pagkakaisa ng mga kasapi ng media, social media practitioners, professionals, IP leaders, at iba pang sektor na naging instrumento para mapalaya sina Dr. Badoy at Ka Eric.”

“May kapangyarihan ang bayang nagkakaisa para sa pagsulong ng ating karapatan, para sa katarungan, katotohanan, at sa pagtatatag ng mapayapa at matibay na bayan,” saad pa niya.

Matatandaaang idineklara ng House Committee on Legislative Franchises kamakailan sina Celiz at Badoy na “in contempt” dahil sa pagtanggi umanong sagutin ang tanong at kumilos sa isang “walang galang” na paraan.

Disyembre 5 nang isailalim ang dalawa sa kustodiya ng Kamara, kung saan nagdeklara sila ng “hunger strike” isang araw pagkatapos nito.

MAKI-BALITA: Badoy, Celiz nag-hunger strike kontra ‘pagpasok’ ng CPP-NPA-NDF sa Kongreso

MAKI-BALITA: Celiz, tinawag na ‘illegal president’ si Romualdez

Nauna nang iginiit ni Celiz sa telebisyon na gumastos umano si Romualdez ng ₱1.8 bilyon sa kaniyang mga paglalakbay para sa 2023. Hindi naman niya tinukoy ang kaniyang source sa naturang alegasyon.

Idinepensa naman ni Celiz ang Republic Act No. 11458 o ang Sotto law, na pumapayag sa journalists na protektahan ang kanilang source.

Pagkatapos nito, ibinunyag din umano ni Celiz ang kaniyang source kay Committee on Legislative Franchises chairperson at Parañaque 2nd District Rep. Gus Tambunting bago sila palayain nitong Martes, Disyembre 12, dahil sa “humanitarian reasons.”